|
Calendar
General
Highlights
Xaverian's Corner
Reflections
Athletics
Communities
Alumni
Academics
About Xavier
|
|
XAVERIAN'S CORNER
Hagupit ng Bagyo, Pagbabago ng Pasko
By Raymund Li, H4A, Punong Patnugot ng Stallion
Posted Friday, 10-Dec-2004 10:30 AM
Nakagawian na ng pamilya Aromin, na kinabibilangan ng dalawa nating kapamilya rito sa Paaralang Xavier, sina Bb. Grace Aromin ng Information Technology Services at Bb. Leah Aromin na Administrative Assistant to the Principal, na bumiyaheng Real, Quezon para maglibang at magpahinga bilang isang pamilya tuwing may mahabang bakasyon.
Noong nakaraang linggo, ika-29 ng Nobyembre, habang ang nakararami sa atin ay nagdarasal na magpatuloy ang pag-ulan upang ideklara na ring walang pasok sa susunod na araw, naghahanda namang bumalik sa Maynila sina Bb. Aromin matapos ang isang masayang bakasyon nang pabalikin sila sa kanilang tahanan sa Real, dulot ng mga babalang hindi na madaanan ang mga tulay tungong lungsod dulot ng mga nangahulog na punongkahoy at bato.
Ayon kay Bb. Leah Aromin, hindi pa gaanong malinaw noon sa kanya ang panganib ng sitwasyong kinakaharap ng kanilang maliit na bayan at ng mga kalapit-baryo hanggang makabalik sila sa kanilang bahay.
Nabalitaan na lamang nila na sampung minuto matapos nilang tumawid sa pinakamalapit na tulay sa kanilang bayan ay gumuho ito. Dito lamang natanto ni Bb. Aromin ang pinsalang maaaring idulot ng bagyong Winnie.
Agad naisip ni Bb. Aromin kung gaano siya kapalad sa ikalawang buhay na natanggap niya mula sa Panginoong Diyos dahil sampung minuto lamang silang mahuli, maaaring wala na siya sa mundong ito, tulad ng isang pangkat ng mga mag-aaral na balak sanang magbakasyon sa Real, na punung-puno ng magagandang beach resort .
Hindi pa pala iyon ang pinakamasaklap na balitang dala-dala ng malakas na hangin at ulang dala ng bagyong Winnie. Hindi nagtagal noong hapong iyon, dakong alas-4 ng hapon, biglang umagos ang rumaragasang putik mula sa kabundukan, at sa isang iglap, maraming kabahayan ang natangay nito. Idagdag pa rito ang malalaking trosong humambalos sa mga bahay at sumira sa mga ito.
Nagpatuloy ang ganitong sitwasyon nang buong magdamag. Tila kinain ng putik ang buong bayan nila, kaya't napilitan ang halos lahat ng pamilyang pinalad na makaligtas na lumikas tungong mga evacuation center . Hindi pa roon natapos ang kanilang kalbaryo dahil buong magdamag din silang hindi nakakain habang nilalamig sila suot-suot ang mga damit na basang-basa. Nasaksihan man ng pamilya nina Bb. Aromin ang ganitong pangyayari ay wala rin silang magawa noon , dahil maski sarili nilang bahay ay abot-tuhod ang putik.
Nang sumunod na araw, nang medyo tumila na ang ulan at humupa ang putik, tinungo agad ni Bb. Aromin ang evacuation center . Napansin niyang habang patuloy na dumarami ang mga taong nagsisilikas mula sa kani-kanilang tahanan, dahan-dahan na ring nauubos ang mga pagkaing nakaimbak doon, habang tayong mga Xaverian ay kumakain ng masasarap na pagkain at natutulog nang mahimbing sa ating mga silid. Lalo pa niyang ikinagulat kung papaanong nagsisiksikan ang apat hanggang limang pamilyang may lima hanggang anim na miyembro roon sa isang maliit na silid habang tayo ay nakatatakbo pa't nakapaglalaro sa ating mga silid-aralan.
Tila hindi na natapos ang pagdurusa nila, bigla namang gumuho ang isang maliit na gusali kung saan namamalagi ang mga nagsilikas mula sa kanilang mga tahanan. Namatay ang lahat ng tao roon matapos mahulog ang isang malaking trosong nagdulot ng pagkasira nito.
Habang nagsasaya ang marami sa atin sa balitang walang pasok para sa dalawang araw dulot ng bagyong Yoyong, namumuhay naman sina Bb. Aromin sa pighati dulot ng pagkamatay ng mga kamag-anak nila at sa takot sa parating na umanong malakas na hagupit ni Yoyong.
Sa kabutihang palad, hindi naman daw naging ganoon kalakas ang bugso ng hanging dala ni Yoyong kumpara sa naunang si Winnie, kahit na patuloy pa ring nagdurusa at naghihirap ang kanilang buong bayan sa gutom ng mga kumakalam na sikmura at lamig na tumatagos mula balat hanggang dugo.
Gayong isinisisi ni Bb. Aromin ang malaking bahagi nito sa mga mangangalakal na walang pakundangang pumutol ng mga puno at sa pamahalaang hindi naging mahigpit sa pagpapatupad ng mga batas at hindi naging handa sa nakaambang panganib ng mga kalamidad, naniniwala rin siyang malaking bahagi ang maaaring gampanan ng mga mas maykaya sa lipunan.
Kahit na balak raw niyang magpadala ng lahat ng mga de lata at damit na kaya niyang ipunin, hindi raw niya magagawang mag-isa ang lahat ng ito kaya naman tinatawagan niya ang lahat ng Xaverian upang ibahagi sa mga nangangailangan nating mga kapatid ang anumang donasyong maaari nating ibigay, donasyong handa raw niyang dalhin sa kanilang probinsya upang siya mismo ang makasigurong makararating ito sa mga tunay na nangangailangan.
Ayon sa kanya, kung ang bawat Xaverian ay magbibigay lamang ng kahit 20 piso, hindi malaki kung titingnan ang allowance na tinatanggap ng maraming mag-aaral, sapat na ito para suportahan ang isang buong pamilya para sa pagkain nila sa isang araw. Gayundin, kung makapagdadala ang bawat mag-aaral ng kahit isang lumang damit lamang, na siguradong marami ang mga Xaverian na karaniwang nag-uumapaw ang mga aparador sa mga branded na damit, magagamit na ito ng isa sa kanyang mga kababayan nang isang linggo.
Naisip man ni Bb. Aromin na hindi na magiging pareho ang kanilang susunod na bakasyon sa kanilang bahay sa Real, lalo na sa darating na Pasko, matapos ang lahat ng nangyari, lalo niyang inaalala ang marami niyang mga kababayang walang makain, nawalan ng kamag-anak, tahanan, kagamitan at kabuhayan sa nagdaang unos, at tila mahihirapang maging masaya sa pagdating ni Hesus ngayong Pasko.
Tandaan natin na isa lamang ang Real sa marami pang ibang bayang naapektuhan ng mga bagyong nagdaan. Nawa'y bigyang kabuluhan din natin ang sari-sarili nating mga Pasko sa pamamagitan ng paghahalungkat sa ating mga aparador upang hanapin ang mga lumang damit natin at pagsasakripisyo ng kahit kaunti upang makapagbigay sa mga mas nangangailangan nating kapatid.
Nawa'y baguhin natin ang ating mga Pasko sa pamamagitan ng kalamidad na ito at mabuhay tayo sa tunay na diwa ng Pasko, ang pagdadala kay Hesus, lalo na sa mga lugar na ito kung saan halos wala nang pag-asa. Sagipin natin ang Pasko nila nang sa gayon ay masagip din natin ang sarili nating Pasko.
Go
back to the top ^
|
|
|

|