|
Calendar
General
Highlights
Xaverian's Corner
Reflections
Athletics
Communities
Alumni
Academics
About Xavier
|
|
MAGIS
Kumpisal ng Baguhang Guro
Harris Albert Guevarra
Posted Wednesday, 23-Feb-2005
Bata pa lang ako'y hilig ko na talaga ang magturo. Pagkakain ng hapunan, tinatawag ko ang dalawa kong nakababatang kapatid at tatlong pinsan. Dinadala ko sila sa isang sulok ng bahay kung saan may nakahandang blackboard, mga aklat at iba pang kagamitan na kakailanganin namin sa kunwa-kunwariang paaralan. Nakakatawa kung babalikan ko ito ngayon: gumagalaw at nagsasalita akong parang totoong guro—pinagagalitan sila kung hindi sila nakikinig, binibigyan ng mahihirap na pagsubok na kinokopya ko sa mga textbook ng kuya ko—dahil sa eskwelahan na itinayo ko, ako ang bida, ako ang guro at lahat ng gusto kong mangyari ay kailangan nilang sundin. Kapag Biyernes at gusto kong magpahinga o maglaro kasama ang barkada, nag-iiwan ako ng note sa sala: Friday is PE day, just play or do whatever you wanna do! Tuwang-tuwa sila tuwing sumasapit ang Biyernes. Paano, wala ang kanilang kuya na nagkukunwaring masungit at istriktong teacher!
Hanggang sa nagdesisyon akong magturo. Iyong totoong pagtuturo. Ang bigat at mahirap ang pagdedesisyon. Maraming umangal sa ginawa ko: ang mga magulang na dati'y tuwang-tuwa kapag nakikita akong nagkukunwaring guro ay nasaktan nang malaman nilang nag-shift ako sa AB English Lit mula sa BS Biology; mga kapatid at pinsan ko na dati kong tinuturuan ay biglang inukitan ng pagtataka sa mga mata. Ngunit, siyempre, ako pa rin ang nasunod. Sigurado naman ako, sa loob-loob ko, at ako naman ang mananagot sa mga gagawin ko. Pagkatapos ng pag-aaral sa kolehiyo, tatlong buwan akong nagturo ng Filipino sa Xavier School bilang isang substitute teacher.
Sa unang araw ko sa classroom, nahiya ako. Nakatingin silang lahat sa akin at pakiramdam ko'y nakatitig ang buong mundo sa akin. Nakakailang ngunit ilang segundo lang ay nagpakilala ako at nagpatawa upang kahit papaano ay uminit ang una naming pagkikita. Hindi kaagad naging kampante ang klase. Hindi ko sila masisisi. Hindi ko sila kilala at hindi nila ako kilala ngunit magkakaharap kami't pinipilit magkaroon ng ugnayan sa isa't isa. Naisip ko, paano ko sila matuturuan kung ilag kami sa kilos ng isa't isa? Kailangan muna naming magkakilala.
Ang pagkilala sa mga mag-aaral ang siyang unang baitang tungo sa pagiging isang mabuti at epektibong guro. Kinilala ko ang ugali ng bawat isa at nag-isip ng paraan kung sa paanong paraan ako makikipagkasundo sa iba't iba nilang pag-uugali—paano ko nga ba pakikisamahan ang matatalino, mayayabang, mababait, grade conscious, mahihina? Ang pagkilala ay nagbubukas ng pintuan ng pagtitiwala. Kinausap ko sila. Kung minsan, lumilihis sa mga tinatalakay namin sa klase ang pinag-uusapan namin. Walang problema rito: Panitikan naman ang tinuturo ko. Naging malapit sila sa akin. Nagtiwala sa akin. Makaraan ang ilang linggo, naging kampante na akong pumasok sa kanilang klase. Hanggang nang tanungin ko sila kung handa na silang makinig: Opo cher, handa na kaming makinig. Nabuo na ang tiwala. Maaari nang simulan ng guro ang pagtuturo.
Kailangang buksan ng guro ang kaniyang sarili sa harap ng klase upang buksan din ng mga mag-aaral ang kanilang sarili sa guro. Sa ganitong paraan maipapakita ang pagtitiwala sa isa't isa, ang ganap na pagtuturo ng panitikan, ang tunay na edukasyon. Kapag naging panatag na ang klase sa guro at ang guro sa klase, mas nagiging banayad ang daloy ng pagpapalitan nila ng mga nalalaman. Maaari na nilang turuan ang isa't isa. Class, buksan ninyo ang aklat ninyo sa kabanata 3. Bakit labis na nalungkot ang hari sa pag-alis ni Don Juan?
Sa pagtalakay sa mga leksiyon, lalung-lalo na sa pagbabasa ng isang akdang pampanitikan, lumalabas ang aming mga diskusyon sa silid-aralan at dumarapo sa mga sarili naming karanasan. Pagbubukas sa isa't isa. Paglalahad ng karanasan at ng mga natutunan nila mula sa mga ito. Sa pagbabasa, kailangang ilagay ng mag-aaral ang kaniyang sarili sa kaniyang binabasa upang lubos niyang maunawaan ang kaniyang binabasa. Magtataas ng kamay ang pinaka-bibo sa klase at sasabihing: Cher , alam ko ang sagot! Dahil mahal na mahal ni Haring Fernando si Don Juan at ayaw niyang mapahamak ito. Sasabihin kong tama ang kaniyang sagot. Pauupuin ko siya ulit at muling tatahimik ang klase na animo'y naghahanda sa pagpasok sa kaharian ng Berbanya. Sa binabasang Ibong Adarna.
Ngunit ang guro ang kailangang mamuno sa pagtungo ng klase sa mas mataas na pag-unawa sa kanilang binabasa, sa realidad, sa buhay. Tatawagin ko ang pinakatahimik sa klase sa hapong iyon at tatanungin: Kung nasa kalagayan ka ni Don Juan, gagawin mo rin ba ang kaniyang ginawa? Ngunit hindi ko muna siya pasasagutin. Ang guro ang dapat na maunang magbukas ng kaniyang sarili sa mga mag-aaral. Ilalahad ko muna ang lahat ng aking nalalaman: pagmamahal ng anak sa magulang at pagmamahal ng magulang sa anak, pagmamahalan nina Haring Fernando at ng anak niyang si Don Juan. Magsasalaysay ako ng mga kuwentong nalalaman ko tungkol dito—mga nakalap ko sa mga kaibigan, o sa mga binasa ko, kung minsan, sarili kong mga kwento. Hindi ito maiiwasan. Walang masama sa pagbubukas ng sariling buhay lalo na't panitikan ang pinag-uusapan. Ito ang unang baitang upang maging matalinong mambabasa ang sinuman. Ang sinumang guro ng panitikan ay handa dapat madapa o masugatan o masaktan sa harap ng kaniyang mga mag-aaral. Hindi dapat mahiya ang guro sa pagbubukas ng kaniyang sarili upang mas naisin ng mga mag-aaral na ibigay ang kanilang tiwala at sila naman ang magsalita.
Sa paglalahad ko ng sariling buhay, nagiging ako ang kuwento o tulang aming binabasa. Hinahayaan ko silang tumuloy sa akin bilang mga tapat na mambabasa na puspos ng pagtataka at may kagustuhang makinig at matuto pa. Mula rito, sila naman ang magsasalaysay ng kanilang mga kuwento. Isa-isa. Hayaang magsalita ang lahat hangga't kaya ng nakalaang oras. Kailangang pakinggan ng guro ang iba't ibang karanasan ng mga mag-aaral. Kailangang iparamdam ng guro na taimtim siyang nakikinig sa kaniyang mga mag-aaral, na may natututunan din siya sa mga sinasabi nila. Hanggang sa lubusan nang mailagay ng mga mag-aaral ang kanilang mga sarili sa katauhan ng binabasa, ni Don Juan at sasabihing: Oo naman cher, kung kami si Don Juan at ikaw si Haring Fernando, gagawin din namin talaga yun para sa'yo. Huwag ka lang umalis ng Xavier! Sa ganitong paraan ko nasabing naintindihan nila ang aming pinag-aaralan. Magsisigawan sila at magtutuksuhan na para bang umaastang babawiin ang kanilang sinabi. Sasabihin ko sa kanilang ang corny nyo. Magtatawanan lalo sila bago muling lumatag ang katahimikan.
Muli, hindi ako ang guro kundi isang mag-aaral na tinuturuan ng mga estudyante ko.
Hindi maitatangging kung minsan ay medyo nalilimutan nila na ako ang guro nila. May mga biro sa loob ng klase na hindi dapat nila sinasabi sa loob ng klase. Hindi ito maiiwasan at alam kong darating ang mga sandaling katulad nito. Sa mga pagkakataong ganito, hinaharap ko ang sarili ko sa kanila bilang guro na kailangang respetuhin. Matagal na sermunan ito sa loob ng klase. Kumakain ng oras ang pagdidisiplina. Ngunit pagkatapos ay ilang araw na tahimik ulit ang klase, nakikiramdam at naninimbang. Mas madali ko silang napapatahimik dahil kilala na nila ako at labis ang pagkakakilala ko sa kanila. Nagiging kasingdali lang ng paghinga ang pagdidisiplina kapag buo na ang hiya at tiwala sa isa't isa. Matapos ang ilang araw na walang kibuan, bigla na lang may tatayo habang tinatalakay ko ang leksiyon at hihingi ng sorry nang sabay-sabay ang buong klase. Sasabihin kong kalimutan niyo na iyon at ipagpapatuloy ko na lamang ang leksiyon tungkol sa pagpapatawad ni Don Juan sa mga nagkasala niyang kapatid.
Tatlong buwan lang akong nagturo ngunit naging napakamakabuluhan nito para sa akin, na pakiramdam ko'y para na rin akong kumuha ng Education units sa tatlong buwan na ito. May mga bagay na hindi natututunan sa haba o lawak ng oras—kapag binigyan ka ng pagkakataon na ibigay mo ang sarili mo sa iyong kapwa, na ibigay mo ang lahat ng iyong nalalaman nang walang pagdaramot at buong-puso, hindi mo kailangang tanungin kung gaano ka katagal maglilingkod. Wala sa tagal o haba ng panahon ang paglilingkod at pagkatuto. Marami kang matututunan kahit na sa sampung segundong panahon basta't gawin mo ito nang may tiwala sa sarili at may tunay na pagmamahal sa iyong mga pinaglilingkuran. Hindi kailangang ng mataas na pinag-aralan upang maunawaan ito. Ang kailangan lamang ay pagpapakumbaba at pag-ibig sa kapwa. Ito ang una at huling teorya ng Edukasyon.
Sa huling araw ko ng pagtuturo, nagpasalamat sila sa akin. Nalulungkot daw sila. Sabi ko sa kanila, ano ba naman kayo, magkikita pa naman tayo. Cher , marami kaming natutunan. Thank you, ha. Pero ganyan ka e, nang-iiwan ka naman e, hay nako! Magtatawanan sila. Habang tinitingnan ko silang tumawa ay nauunawaan kong hindi na sila ang mga estrangherong bata na hinarap ko noon sa unang araw ko sa klase. Kilala ko na sila ngayon. Kilalang-kilala. Nakikita ko sa mga mukha nila ang mga nakababatang kapatid ko na tinuruan ko noong bata pa ako. Tumunog ang bell. Parang wala silang narinig. Kulay abo ang langit sa labas. Nagbabanta ang ulan. Hindi ko alam kung ulan ba ito ng pagpapala o pamamaalam. Walang tumayo sa klase. Hindi ako nakapagsalita. Mahirap silang iwan na nakaupo sa harap ko, walang imik, puspos ng pananabik ang mga mukha, at alam ko, hinihintay nilang marinig ang susunod kong sasabihin.
Go
back to the top ^
|
|
|

|