|
Calendar
General
Highlights
Xaverian's Corner
Reflections
Athletics
Communities
Alumni
Academics
About Xavier
|
|
MAGIS
Mother and Son
Camp 2005
Liza Bacuyag, Class Adiviser 2G
Posted Monday, 21-Feb-2005 8:17 PM
Paano ba pinalilipas ng mag – ina ang kanilang oras nang magkasama? Namamasyal?
Nanonood ng sine? Kumakain sa labas? Anuman ang kanilang gawin basta’t
kasama nila ang isa’t isa at nag- eenjoy , walang problema. Ang importante
, magkasama sila. Ang tawag dyan, “BONDING!” isang gawaing tunay na kasiya-siya
at kawili-wili lalo na sa isang anak na nangangailangan ng pansin at pagmamahal
ng isang ina.
Kaya naman bilang tugon dito , ang mga kawan lider sa Iskawting ng Greyd
2 sa pamumuno ng kanilang koordineytor na si Gng. Sudario ay nag-organisa
ng isang gawaing ang layunin ay paglapitin lalo ang kalooban ng ina at
anak.Tinawag nila itong “Mother and Son Day Camp.” Naganap ito noong Pebrero
12, 2005 sa Paaralang Xavier. Inumpisahan ang gawain sa pamamagitan ng
isang oryentasyon kung saan ipinaliwanag ang mga mangyayari sa buong araw.
Ang mag-iina
ay ipinangkat ayon sa color group na kinabibilangan ng kanilang anak.Ang
mga mommy ay nakasuot ng kamisetang naaayon sa color group ng kanilang
anak samantalang ang mga bata ay nakasuot ng kanilang uniporme sa Iskawting.
Pagkatapos ng oryentasyon, nagsama-sama na ang mag-iina ayon sa color
group at inumpisahan na ang gawain. Ang bawat "color group"
sa tulong ng mga nakatalagang kawan lider ay pumunta sa mga “bases” kung
saan ginawa ng mag-ina ang mga gawain nang magkasama. Sa bawat “base”
ay may kawan lider at tagapagsalita na siyang nagpaliwanag ng mekaniks
o hakbang . Ilan sa mga ito ay ang “extra challenge,” “rope courses,”
“arts and crafts” at “team building .”
Habang ginagawa
ng mag-ina ang mga gawaing ito, makikita sa kanilang mga mukha ang pagod
at tuwa. Pagod dahil ang ilan sa mga gawain ay tunay na mahirap gawin,
idagdag pa ang napakatinding sikat ng araw. Tuwa sapagkat bagama’t mahirap,
magkasama nilang napagtagumpayan ang hamon na ibinigay sa kanila.Sa ganitong
mga pagkakataon, lalong nabibigkis ng pagmamahalan , pagtutulungan at
pagkalinga ang kanilang samahan bilang mag-ina.
Pagkatapos ng tanghalian, ang bawat color group ay naatasang gumawa ng
isang presentasyong nagpakita ng kanilang talino at talento sa pag-awit
, pagsayaw at paglikha ng “cheer” na naaayon sa ngalan ng kanilang color
group.Dito na lumabas ang husay ng mga mommy. Sa ensayo pa lang , nakita
ko na hindi sila patatalo kung galing at galing lang naman ang pag-uusapan.Kanya-kanyang
diskarte at pakulo!
Nagkataon na
isa sa mga mommy na naroon ay si Gng. Arlyn Choo, ang assistant principal
ng unit 1 ng ating paaralan. Nakatutuwang makita na siya ang nagtuturo
sa mga mommy at iskawt ng kanilang “cheer.”Ang mga kawan lider ng bawat
“color group “ ay nanood na lang sa kanilang ensayo.Hindi na sila kailangan
pang turuan, ang gagaling talaga!!! Kaya naman, nang ipakita na nila ang
kanilang inihandang palabas, wala kang itulak- kabigin. Lahat ay magagaling!
Siguradong nag-enjoy ang lahat lalung lalo na ang mga batang iskawt.
Bago matapos ang araw, nilapitan ko ang isang iskawt at tinanong ko siya
ng ganito, “Nag-enjoy ka ba? “ Opo , ang sagot ng iskawt. “Lalo na’t kasama
ko ang aking mommy.” Alam n’yo po, ang galing pala ng mommy ko, kaya rin
pala niyang maging iskawt na katulad ko!.” Sana po palagi tayong may ganitong
gawain” ang masayang tugon ng bata.
Sa aking narinig , natigilan ako … nag-isip. At nasabi ko sa aking sarili,
“ Mabuti na lang at may ‘Mother and Son Camp.” Hindi man tahasang bigkasin
ng bibig … hindi man sabihin nang buong buo, naunawaan ko ang mensaheng
nais ihatid ng mga katagang iyon. Hindi lang material na bagay ang ang
dapat ibigay sa ating mga anak, kundi mahalaga ring pag-ukulan natin sila
ng sapat na oras at panahon upang lumaki silang may pagpapahalaga sa kanilang
kapwa at higit sa lahat sa kanilang sarili bilang tao.
Si Gng.
Bacuyag ay may anak na kasalukuyang nag-aaral sa Nursery ng Paaralang
Xavier. Silang mag-ina ay mahilig magbasa ng aklat, maglaro ng chess,
mamasyal at umawit.
Go
back to the top ^
|
|
|

|