Search


Calendar
This Month
General

Highlights

Xaverian's Corner


Reflections


Athletics


Communities

Alumni
AAXS


Academics
The Xavier Education
Early Education
Grade School
High School
Admissions

About Xavier
Vis Mis Goals
Brief History
St. Francis Xavier
Kuang Chi
Coat of Arms
School Mascot
School Song
Prayer of SFX
Pledge
Video






 

REFLECTIONS

Paano Pa Tayo?

Fr. Johnny Go S.J., School Director

HS Homilya, 23 August 2006



Posted Friday, 25-Aug-2006 10:58 PM

 

 

     May mga taong mahilig sa horror movies.   May mga taong mahilig sa mga pelikulang tungkol sa multo o demonyo.  Hindi ako ganyan. 

     Pero minsan may nakita akong DVD na horror sa TV Room naming mga Heswita.  Dahil sa sobrang pagod, naisip ko tuloy panoorin ang pelikulang ito:  “The Exorcism of Emily Rose.”  Buong akala ko, pulos makatindig-balahibo at makabaligtad-sikmurang mga eksena ang aking matutunghayan sa pelikulang ito.  Laking hinayang ko na lang at gulat dahil natuklasan kong maliban sa iilang eksena, hindi pala ito maituturing na tunay na horror movie.  Sa halip may taglay pala itong napakalalim at espiritwal na kahulugan.

     Hango sa isang totoong pangyayari, ang pelikulang “The Exorcism of Emily Rose” ay tungkol sa isang kolehiyala, si Emily Rose.  Naniniwala siyang sinasapian siya ng demonyo.  Sa simula, nagkakaroon siya ng masasamang panaginip. Nang lumaon, nakikita na niyang nag-aanyong demonyo ang mukha ng mga tao. Higit pa rito, bigla na lamang siyang nakapagsasalita ng iba’t ibang lenggwahe.  Kung kani-kaninong duktor siya pinatingin, ngunit hindi malunasan ang kanyang karamdaman.  Kaya nagpasyang magpatulong na rin sa pari ang kanyang pamilya.  Naganap ang isang exorcism.  Sa kasamaang palad, hindi lamang nabigo ang exorcism, bagkus bunga nito, namatay pa si Emily.  Ang pelikula ay tungkol sa paglilitis ng isang paring napagbintangang nakapatay dahil sa exorcism.

     May isang kakaiba at nakapagtatakang eksena ang pellikula na para sa aki'y siya ring pinakamahalaga.  Naganap ito sa pagwawakas ng pelikula matapos ang nabigong exorcism.  Sa isang pangitain niya, nakausap ni Emily ang Birheng Maria. Pinapili siya nito.  Binigyan siya ng pagkakataong magpasya kung nais niyang gumaling o patuloy na magdusa.  Kung pipiliin niyang gumaling, mawawala ang demonyo at tuluyan siyang gagaling.  Kung piliin niyang magdusa, mamamatay siya.  Ngunit bunga ng kanyang pagkamatay, makikilala naman ang kanyang kaso at muling pag-iisipan at pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa mga demonyo at espiritu.  At ayon sa Mahal na Birhen, dadami ang mga taong mananampalataya sa Diyos.

     Ano sa palagay ninyo ang pinili ni Emily?  At kayo—ano sa palagay ninyo ang inyong pipiliin?  Karamihan siguro sa atin, hindi mag-aatubiling pipilin ang gumaling.  “At bakit hindi? Bakit tayo magpapakahirap, patuloy na magdurusa at mamamatay pa gayong puwede naman tayong gumaling?”

     Sa di-maunawaang dahilan, pinili ni Emily ang hindi gumaling, ang patuloy na magdusa at tuluyang mamatay.  Dahil dito, maituturing natin siyang isang martir sa pananampalataya.  Buong tapang niyang niyakap ang sakit at kamatayan—sa kabila ng matinding paghihirap dulot ng mga demonyo.  Ginawa niya lahat ito upang sa mundo nating napaka-secular, muling pag-isipan at pag-usapan ng mga tao ang mga bagay na may kinalaman sa espiritu, at sa ganitong paraan, magbalik-loob ang marami sa Diyos.  Dahil dito, maituturing na isang propeta si Emily Rose dala ng kanyang pagdurusa at kamatayan na siyang nagsilbing pagpapahayag ng Diyos.

     Marahil magtataka ka:  isang kolehiyalang sinaniban ng masamang espitu—paano ito magiging isang propeta?!  Ang sagot:  “Bakit hindi?”  Kung iisipin natin, hindi ba ganito rin ang kuwento sa ating Ebanghelyo sa araw na ito?  Dinalaw ng anghel Gabriel si Maria sa maliit na baryo ng Nazaret upang ipahayag ang napakahalagang paanyaya ng Diyos sa kanya. Kung tayo ang Diyos, hindi ba’t pipiliin natin ang isang taong higit na may karanasan sa buhay, o kaya’y higit na nakapag-aaral at higit na malakas ang loob?  Isang labing-apat gulang na probinsiyana—paano ito magiging Ina ng Diyos?! Ngunit ang sagot muli:  “Bakit hindi?”

     Ano kaya ang kahulugan nitong lahat para sa atin? Kung ang isang kolehiyalang nasapian ng demonyo ay maaaring maging isang propeta, paano pa tayo?  Kung ang isang batang-batang probinsyanang gaya ni Maria ay nabigyan ng napakahalagang tungkulin sa kasaysayan ng buong mundo, paano pa tayo?

     Hindi pala kinakailangang maging isang bukod-tanging tao upang maging mapili ng Diyos na gumawa ng katangi-tanging bagay.  Mga pangkaraniwang taong tulad ni Emily at tulad ni Maria—ganyang uri ng mga tao ang pinipili ng Diyos na gumawa ng di-pangkaraniwang bagay.  Ang kailangan lamang ay magtiwala sa Diyos:  Kapag may hiningi ang Diyos, kailangan lamang maging bukas-palad tayo sa ating pagtugon sa kanya. 

     Iisa ang mensahe ng kuwento ng ating Mahal na Birhen at ng kuwento ni Emily Rose para sa atin:  Ang Diyos ay Diyos na punung-puno ng sorpresa.  Di-inaasahan—at higit na mabuti—ang ginagamit Niyang paraan sa pagpili at paghirang ng mga instrumento Niya sa mundong ito.  Kaya huwag nating husgahan ang ating kapwa batay lamang sa panlabas nilang anyo.  Gayon din, huwag nating husgahan ang sarili batay lamang sa pagkakakikilala natin sa ating sarili.  Hayaan nating surpresahin tayo ng Diyos tungkol sa ating sarili.

     Noong nakaraang Lunes, tahimik kong ipinagdiwang ang aking ika-apatnapu’t limang kaarawan sa piling ng aking pamilya at mga kapatid na Heswita. Natatandaan ko noong isa pa akong mag-aaral dito sa Xavier, ni hindi ko pinangarap maging pari o binalak ang bumalik dito sa Xavier.  Hindi pa kasi gaanong malinaw sa akin kung ano ang gusto kong gawin. Hindi malinaw sa akin kung ano ang kaya kong gawin.  At hindi rin malinaw kung ano ang dapat kong gawin sa aking buhay.  Ngunit kung bibilangin ko at iisa-isahin ko ang apatnapu’t limang taon ng aking buhay, hitik sa mga biyaya ang mga taon—at punung-puno rin ng sorpresa.  Sa bawat landas ng aking paglalakbay, ni minsan hindi ako pinabayaan ng Panginoon—lalung-lalo na sa mga panahong naligaw ako ng landas at sa mga panahong napasuong ako sa mga unos ng suliranin. Sa bawat sandali, laging naroon Siya, laging umaalalay, laging sumasalo.  Kailangan lamang pala talagang magtiwala sa Kanya.  At kapag may hihingin Siya sa atin, maging bukas-loob tayo sa ating pagtugon—kahit na batay sa pagkakakilala natin sa sarili, parang kulang tayo at di-karapat-dapat.  Natatandaan ko pa ang sabi ng isang pari sa akin:  “When God asks for something, don’t make Him beg.”

     Kaya mga kapatid, ito ang aking bilin at panalangin para sa bawat isa sa inyo sa ating Golden Jubilee:  Sana’y matuklasan ninyo ang ningas sa inyong kalooban. Sana’y kalingain ninyo ito, at pagdating ng panahong may hingin sa inyo ang Panginoon, sana’y buong bukas-loob ninyong ipamahagi ang inyong liwanag sa Kanya para sa kapwa at sa mundo.  Kaya kung nahihirapan tayo ngayon sa pag-aaral o di kaya sa pamilya o sa anumang problemang personal, huwag tayong mawawalan ng pag-asa.  Magtiwala sa Panginoon.  Maniwala tayong mayroon Siyang napakagandang balak at plano para sa atin.  Gaya ng Mahal na Birhen, hayaan nating sorpresahin tayo ng Diyos tungkol sa ating sarili.

 

Go back to the top ^

   






Men fully alive, endowed with a passion for justice, and the skills for development.
 

XAVIER SCHOOL / 64 XAVIER STREET, GREENHILLS, SAN JUAN,, MM, PHILIPPINES 1502 / +63.2.723.0481 / Contact / About This Site


© 2004 Xavier School, Inc. All Rights Reserved.
Terms under which this service is provided to you.
Read our disclaimer. Contact us.
  All external sites will open in a new browser.
Xavier School does not endorse external sites.
    Site Archive