Search


Calendar
This Month
General

Highlights

Xaverian's Corner


Reflections


Athletics


Communities

Alumni
AAXS


Academics
The Xavier Education
Early Education
Grade School
High School
Admissions

About Xavier
Vis Mis Goals
Brief History
St. Francis Xavier
Kuang Chi
Coat of Arms
School Mascot
School Song
Prayer of SFX
Pledge
Video






 

XAVERIAN'S CORNER

GK: Game Kami!
Martin Lemuel Tee (H2B), Manunulat ng Balita ng Stallion

Posted Friday, 22-Sep-2006

 

      Ilang taon na ang nakalilipas nang kainin ng sunog ang mga kabahayan sa Baseco at sa mga nagdaang taon, nagmistula itong haunted sa paningin ng iba dahil na rin sa madalas na mga pagpatay na nangyayari roon. Subalit ngayon, sasambulat sa mga panauhin nito ang isang makulay, mapayapa at masayang Baseco na sumailalim sa isang pagbabago sa tulong ng Gawad Kalinga o mas kilala bilang GK.

 

      Pasikat pa lamang ang araw noong Sabado, nagkumpul-kumpol na sa labas ng Media Ed ang mga pangulo ng bawat klase at iba pang mga lider para sa isang outreach program, na inihanda ng Student Council, sa Baseco, Tondo na naglalayong makapagbahagi ng kamalayang panlipunan.

 

      Lulan ng bus, isang makitid na eskinita ang aming pinasukan. Kable-kable ng kuryente, malulubak na daanan at maraming sari-sari store ang bumungad sa amin. “Magandang Umaga!” ang bati sa amin ng mga naggagandahang binibini na malugod at mainit kaming tinanggap sa GK Baseco.

 

      Nagsimula ang lahat sa isang panalangin na agad na sinundan ng orientasyon ng iba’t ibang mga tagapagsalita. Iisa lamang ang mensahe na nais iparating ng lahat sa kanilang mga talks—iangat, iahon at ipagmalaki natin ang isang mayamang bansa, ang Pilipinas.

 

      Mataas na ang araw kaya’t wala nang sinayang na oras ang lahat. Agad na dumiretso ang bawat grupo para masimulan na ang gawain. Suot ang kani-kaniyang gwantes at sumbrero, naghukay ng lupa, nagbuhat ng balde at nagpulot ng kalat ang bawat isa. Pila-pila ang mga kasapi ng bawat grupo at mga guro upang maging mas madali ang pagpapasa ng mga baldeng puno ng lupa. Patunay lamang na walang di kayang gawin sa diwa ng bayanihan.

 

      Bago madala ang isang tipak ng bato, pinagsamang puwersa ng lima ang kinailangan. Bago makapagpala, kinailangan munang bungkalin ang lupa gamit ang bareta. Bago mapuno ang balde, todo kayod ang mga paa at kamay ng mga nagpapala at bago makarating ang balde sa kabilang dako, dumaraan muna ito sa kamay ng kasapi sa linya.

 

      Hindi madali ang trabahong iyon, sa katunayan, sakit ng katawan ang inabot ng lahat at sa matinding sikat ng araw, sinong makaliligtas sa sunburn ? Gayunman, balewala ang lahat ng mga ito sapagkat para sa bawat isa, hindi ito isang simpleng trabaho lamang, isa itong paggawad-serbisyo.

 

      Upang maibalik ang sigla ng mga hapong katawan ng lahat, minabuti ng mga miyembro ng SIGA (Serving In God’s Army) na ihatid ang bawat pares ng mga Xaverian sa kani-kanilang pamilyang pakikisaluhan ng tanghalian.

 

      Kahit mumunti at may kainitan ang mga tahanan, litaw ang kasiyahan ng bawat pamilya. Di lamang nabusog ang bawat isa sa nagsasarapang pagkain, nabusog din ang lahat sa kasiyahan at kuwentuhan.

      Upang mabigyang pagbubuod ang nangyari sa buong araw, isang pagbabahagi ang isinagawa ng bawat grupo tungkol sa mga di malilimutang karanasan ng bawat isa. May mga nagsabi na ang mismong pagseserbisyo sa ilalim ng sikat ng araw ang kanilang hindi malilimutan at para naman sa iba, ang pakikisalo at pakikisalamuha sa ibang pamilya.

 

      Sa huli, ang hirap ay naging daan sa biruan, ang pagod ay naging daan sa kuwentuhan at ang init ay naging daan sa pagbuo ng bagong mga kaibigan. Di inalintana ng bawat isa ang mga balakid na kaakibat ng kanilang pagseserbisyo, bagkus, lalo lamang itong naging daan upang ipagpatuloy at tapusin ng lahat ang nasimulang gawain.

 

      Pawisan, uhaw at latang-lata ang lahat sa pag-uwi. Gayunman, dala ng bawat isa ang pakiramdam ng tuwa at fulfillment . Kumbaga, naging sulit ang lahat! Nasa puso na ng bawat isa ang pagtatanto na kaya ng Pilipinas, kaya ng Pinoy!

 

      Wika nga ni G. Tony Meloto, tagapasimuno at direktor ng Gawad Kalinga, “Hindi lamang tayo ang nakatutulong, tayo rin ay natutulungan.”

 

      Kaya naman, sa GK, siguradong game kami!

 

 

Go back to the top ^

   






Men fully alive, endowed with a passion for justice, and the skills for development.
 

XAVIER SCHOOL / 64 XAVIER STREET, GREENHILLS, SAN JUAN,, MM, PHILIPPINES 1502 / +63.2.723.0481 / Contact / About This Site


© 2004 Xavier School, Inc. All Rights Reserved.
Terms under which this service is provided to you.
Read our disclaimer. Contact us.
  All external sites will open in a new browser.
Xavier School does not endorse external sites.
    Site Archive