![]() |
|
Calendar
|
REFLECTIONS Maging Taya sa Pagtataya G. Boom Enriquez, Guro ng Kagawaran ng Filipino sa Mataas na Paaralan Posted Wednesday, 11-Apr-2007 3:41 PM
Isinulat ni G. Enriquez ang sanaysay na ito para sa mga magtatapos na mag-aaral ng Xavier, lalo na sa klase niyang H4D.
Sa mga minamahal kong mag-aaral sa High 4:
Habulan ang isa sa pinakasikat noong bata pa ako. Marahil, hanggang ngayon, sikat ito sa mga bata dahil nakikita kong nilalaro pa rin nila ito sa kasalukuyan. Maraming halaw ang paglalarong ito–may langit at lupa, monkey-monkey-anabelle at kung anu-ano pa. Madali lamang matutunan ang larong ito; mayroong isang taya at hahabulin niya ang iba para sila naman ang magiging taya.
Para sa isang bata noon, ang pinakamasalimuot na papel sa larong ito ay ang pagiging taya. Lalo na para sa matabang katulad ko. Kailangan kong makahanap ng paraan para mahabol ang aking mga kalaro. Kung hindi, tiyak na matatagalan ang pagiging taya ko. Hindi basta-basta ko mahahabol ang kung sinuman. Kinakailangan kong maging matiyaga sa paghihintay ng tamang oras para kung may magkamaling lumapit sa akin, aba, iyon ang tatayain ko.
Ang isang tactic na ginagawa ko ay ang pagtigil at pagsimangot. Kunwari napikon ako, para lumapit ang mga kalaro ko. Pupunta lang ako sa isang bahagi ng daan at magmumukmok. At pag malapit na sila sa akin, tatayain ko sila kaagad at tatakbong paalis. Nakaisa ako, kumbaga.
Naalala ko ang saya kapag hindi ako ang taya. Kung saan-saan ako maaaring tumakbo at magtago. Puwede akong magpahabol sa taya hanggang sa malayo para lalo siyang tumagal sa pagiging taya. Lalo ko itong sinasadya kapag kaibigan ko ang taya, sigurado naman kasing hindi niya ako hahabulin. Maghahanap siya ng kaaway niya para iyon ang habulin niya. Habang ako, lolokohin ko nang lolokohin ang taya hanggang sa mapagod na siya.
Gayon din kung ako ang pinakamaliksi sa lahat; hindi nga ako matuling tumakbo subalit maparaan naman sa pag-iwas, sa pagtago at sa pagdaan sa mga paliku-liko at pasikut-sikot na mga daanan. Akala ng taya, mahahawakan na niya ako ngunit kaya ko palang lumiku-liko o magtago sa kung saanmang harang para hindi ako mataya. Tiyak na hindi na ako ang hahabulin ng taya sapagkat mapapagod lamang siya.
Sa labintatlong taong pamamalagi ninyo sa Paaralang Xavier, apat mula rito sa mataas na paaralan, naglaro tayo ng habulan. Iba’t ibang laro ng habulan. Minsan, madali lang. Madali lang ninyong naiiwasan ang mga taya, na madalas kaming mga guro ninyo ang nagsasatao ng pagiging taya. Nakatatakas kayo sa mga gawain, pagsusulit at kung anu-ano pang proyekto. Hindi kayo mahabol ng mga taya, dahil mabilis kayong tumakbo o maliksi kayo kaya natatapos ninyo kaagad ang mga kailangang gawin. Natutuwa kayo minsan sa larong ito dahil minsan, madali lang ito.
Ngunit, alam naman nating hindi naging madali ang larong ito para sa inyo sa buong paglalaro ninyo nito. Minsan, naging mahirap. Hindi kayo makatakas sa mga nantataya, sa mga gawain, proyekto at responsibilidad. Hindi kayo makaiwas sa mga deadline. Minsan, nagpapatuong-patong ang inyong mga trabaho, na gusto ninyong mapikon na at umuwi na lamang ng bahay. Minsan pa nga, nagsusumbong pa kayo sa inyong mga magulang kung bakit hindi kayo makatapus-tapos sa larong ito. At kadalasan, sa hirap ng laro rito, ayaw na ninyong maglaro.
Ngayong nasa ikalabintatlong taon na ninyong pamamalagi rito sa Xavier, natapos na rin ninyo ang larong habulan. At ako ang huli ninyong taya sa ating paglalaro. Ako at ang iba pang guro ang naging taya ng isang taon, pilit na hinahabol kayo sa iba’t ibang habulan ng asignatura, responsibilidad at aral na nagagawa ninyong iwasan, takbuhan o ayawan.
Sa inyong pagtatapos, muli ko kayong tinataya. Tinataya ko kayo ngayon sa layuning maging taya na kayo sa laro ng buhay, Tinataya ko kayo para kayo mismo ang magtaya sa inyong buhay. Ibang laro na ang lalaruin ninyo pagtapak sa labas ng Xavier–mas malaki ang palaruan, mas malawak ang sakop at mas kumplikado ang laro. At hindi na puwedeng umayaw, umiwas o tumakbo.
Sa larong habulan sa labas ng Xavier, kayo na ang taya ngayon at ang nakataya na ay ang inyong buhay. Nawa’y ipagpatuloy ninyo ang paghahabol sa inyong mga sariling kalaro, ang inyong mga pangarap at layunin sa buhay. Nawa’y mahabol ninyo ang mga pangarap ninyo at maisabuhay ninyo ang mga ito.
Hinihikayat ko rin kayong magtaya at humabol pa ng iba para maging taya. Sa ganoong paraan, mas maraming magiging taya sa pagtataya. At kung mas marami ang magtataya sa laro ng buhay, marami ang makahahabol ng kanilang mga pangarap, ng kanilang mga layunin sa buhay, hindi lamang kayo.
Mas malawak nga ang lalaruin ninyong palaruan, bagkus mas nakakatakot kaysa sa inyong nakasanayan. Ngunit sa tingin ko, handa na kayong laruin ang sarili ninyong habulan. Isang napakalaking palaruan ang buhay, at malaya na kayo ngayong maging taya para sa inyong kinabukasan at sa kinabukasan ng iba.
Humayo kayo at maging taya sa pagtataya.
|
|
| Men fully alive, endowed with a passion for justice, and the skills for development. |
|
XAVIER SCHOOL / 64 XAVIER STREET, GREENHILLS, SAN JUAN,, MM, PHILIPPINES 1502 / +63.2.723.0481 / Contact / About This Site |
| © 2004 Xavier School, Inc. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Read our disclaimer. Contact us. |
All external sites will open in a new browser. Xavier School does not endorse external sites. |
Site Archive |