Search


Calendar
This Month
General

Highlights

Xaverian's Corner


Reflections


Athletics


Communities

Alumni
AAXS


Academics
The Xavier Education
Early Education
Grade School
High School
Admissions

About Xavier
Vis Mis Goals
Brief History
St. Francis Xavier
Kuang Chi
Coat of Arms
School Mascot
School Song
Prayer of SFX
Pledge
Video






 

MAGIS

Tanglaw sa Likod ng Kabalintunaan
G. Alemberg Ang (XS Batch '95), Puno ng Kagawarang Filipino sa Mataas na Paaralan

Posted Thursday, 20-Oct-2005 9:57 AM

 

      Maraming mga kabalintunaan ang bumabalot sa buhay ng tao. Maraming mga bagay-bagay na mahirap intindihin tungkol sa buhay natin. Minsan nga, naiisip ko na lamang na pinaglalaruan tayo ng Diyos. Na mayroon siyang isang giant wheel of fortune o kaya naman isang dartboard na kung saan hinuhugot niya ang ating kapalaran.

      Sa hinaba-haba ng aking pamamalagi sa Xavier, kasama na rito ang buhay-estudyante at buhay-guro ko, noong nakaraang taon ko lamang nakilala ang isang paring maaaring gamitin ko bilang visual aid sa pagtuturo ng kabalintunaan. Nakabalot sa kanyang matatag na pangangatawan ang isang bukal na pagmamahal sa kanyang misyon bilang Heswita, sa kanyang mga katrabaho, at sa kanyang mga estudyante. Ang pagmamahal na ito ay nananatiling tago sa maraming tao, maliban na lamang sa mga mapapalad na na-touch at nabago ni Fr. Cortina. Kung di pa dahil sa Christmas Drive, di ko rin nakita ang mga “lihim” ng paring ito.

      Hindi nakapagtataka na di ako naging close sa kanya sa mga taon ko bilang estudyante. Sino nga ba naman ang mangangahas na lumapit sa isang kunot-noong paring mukha pang mas malakas kay Palan, kahit na may katandaan na? Na tutuwina lalapit ka, may maririnig kang ungol o “ humph ” na lumalabas mula sa kanyang nakapinid na mga labi. Na kung may itatanong ako sa kanya tungkol sa retreat, pagmimisa o Days, nangunguna ang takot bago pa lumabas sa mga labi ko ang nais kong tanungin.

      Ganyan din ang aking karanasan sa kanya noong moderator pa ako ng Stage FX at nang mga naunang taon ko sa Xavier. May mga pagkakataong pag nakikita ko siya sa daan, naiisip kong kumaripas sa kabilang direksyon sa takot. Hindi ko talaga makalimutan ang panahon noong kinailangan ko siyang kausapin dahil may retreat ang isang aktor ng dulang dinidirehe ko. Naalala ko pang nangangatog ang aking mga tuhod noong lumapit ako sa kanya.

      Pero ang lahat ng istiryutipong ito ng isang matandang Kastilang prayle ay nawala nang makatrabaho ko na siya sa Christmas Drive. Naalala ko pa noong mga una naming pagpupulong, nauutal-utal pa ako at natatakot na umupo sa kanyang opisina. Ngunit sa paglipas ng ilang mga araw, nakita ko sa kanyang masusing pagtatanong, sa kanyang mga tila negatibong paghirit at sa kanyang pangungunot ng noo ang isang tunay na pagmamalasakit at pag-aalala, hindi lamang sa kapakanan ng Paaralang Xavier kundi para sa lahat ng mga kasapi nito, lalung-lalo na ng mga estudyante.

      Marami ring mga behind-the-scene na di ko nakita noong karaniwang estudyante at guro ako. Hindi ko nalaman noon na may isang school community na inaalagaan nina Fr. Mena at Fr. Cortina na kung saan ipinagkakalooban nila ng kung anu-anong mga pangangailangan ng mga bata roon. Hindi ko alam na may isang alumnus na nagbibigay kay Fr. Cortina ng daan-daang mga tsinelas at sapatos na kanyang ipinamimigay sa iba’t ibang mga institusyon tuwing pasko. Di ko rin alam na nagbibigay rin siya ng pera para sa komunidad ng mga Kristiyano sa Mainland China.

      Sa aking laging pamamalagi sa kanyang opisina ng dalawang buwan noong unang taon ng pangangasiwa ko sa Christmas Drive, nakita ko ang ilan sa mga “troubled students na kanyang kinakausap, hinihikayat at hinihimok na magsikap mag-aral at tuminu-tino nang kaunti. Malaki talaga ang naging impluwensiya niya sa maraming mga estudyanteng dumaan sa Xavier. Kaya siguro, di nakapagtataka na mayroon ngang mga alumnus na magbibigay ng kani-kanilang mga produkto, mula sa tsineles, sa shampoo , sa school supplies. Noong binanggit ko sa isa sa mga may-ari ng isang malaking supermarket chain na si Fr. Cortina ang namamahala sa Christms Drive , agad-agad niyang binigyan kami ng malaking discount at inilibre pa niya ang delivery.

      Sa pagpanaw ng isa sa mga institusyon ng Xavier, hindi ko sukat maisip ang libu-libo pang mga Xaverian na di mararanasan ang isang Fr. Cortina – sa kanyang mga sermon sa misa na laging may halong kwento, sa kanyang mga talk sa mga retreat at Days, sa kanyang mga payo, pati na rin sa kanyang mga hirit at minsan pa nga’y mga mura. Masaya ako at pumayapa na rin ang kanyang kaluluwa subalit nakalulungkot naman para sa lahat ng mga naiwanan. Sa mga kagaya nina Fr. Deseutels, Fr. Papilla, at kamakailan si Fr. Cortina, mahirap man silang palitan, subalit marahil, sa kanilang iniwang legacy sa mga Xaverian noon hanggang sa kasalukuyan, mananatiling buhay pa rin ang kanilang tanglaw sa ating lahat.

      Luceat Lux!

 

Go back to the top ^

   






Men fully alive, endowed with a passion for justice, and the skills for development.
 

XAVIER SCHOOL / 64 XAVIER STREET, GREENHILLS, SAN JUAN,, MM, PHILIPPINES 1502 / +63.2.723.0481 / Contact / About This Site


© 2004 Xavier School, Inc. All Rights Reserved.
Terms under which this service is provided to you.
Read our disclaimer. Contact us.
  All external sites will open in a new browser.
Xavier School does not endorse external sites.
    Site Archive