Search


Calendar
This Month
General

Highlights

Xaverian's Corner


Reflections


Athletics


Communities

Alumni
AAXS


Academics
The Xavier Education
Early Education
Grade School
High School
Admissions

About Xavier
Vis Mis Goals
Brief History
St. Francis Xavier
Kuang Chi
Coat of Arms
School Mascot
School Song
Prayer of SFX
Pledge
Video






 

SOUL SEARCH

KAPATID SA DI-INAASAHANG LUGAR

Fr. Johnny C. Go, S.J., School Director

Posted Monday, 22-Aug-2005 7:14 AM

This homily was delivered by Fr. Johnny Go, SJ at the High School Mass on 19 August 2005 .

Ang akala ng iba, kapag pumasok ka sa seminaryo, nakakulong ka lang sa loob at walang kang gagawin araw-gabi kundi ang magdasal. Iyan din ang akala ko nang pumasok ako sa seminaryo noong 1987. `Yun pala, may tinatawag na “trials” na bahagi ng formation program ng mga Heswita. Parang service `yung mga trials. Kaya lang, hindi lamang ito tumatagal nang iilang araw, kundi isang buong buwan. Tapos, depende kung anong klaseng trials , kung saan-saan kami pinapadala at kung anu-ano ang pinapagawa sa amin.

Halimbawa, may tinatawag kaming Mission Trials: Pinadala ako noon sa isang liblib at malayong bundok sa Mindanao upang manirahan sa loob ng isang buwan. Parang kulungan ng mga manok ang tinitirhan ng mga tao doon. Halos wala pa silang makain kundi kamoteng-kahoy. Sa loob ng isang buwan, nagturo kami ng kasamahan ko ng katekismo sa mga tagaroon—at kailangang gawin ito sa sa Bisaya para maintindihan ng mga tao.

Meron din kaming Urban Trials. Tumira ako noon sa isang barung-barung sa Beata, Pandacan, sa tabi ng riles ng tren. Nakitira ako sa mag-asawang sina Ben at Fely kasama ang kanilang sampung anak. Walang kuwarto sa bahay nila. Sa sahig kami kumakain, sa sahig din kami nagsisiksikan para matulog. Tapos yung bahay nila nasa tabi ng riles ng tren, kaya tuwing may dumaraan na tren, parang may lindol.

Sumunod dito `yung Factory Trials. Parang SM Immersion ng mga 4 th year natin: Kailangang magtrabaho bilang ordinaryong manggagawa. Pinadala ako sa Dutch Boy Paint diyan sa Pasay. Ang trabaho ko, magbuhos ng pintura ang mga latang lalagyan (habang mainit at mausok pa ang pintura!), takpan ito, ayusin sa loob ng kahon, tapos ipatung-patong ang mga kahon sa paleta. Talagang nakakapagod. Masuwerte `yung kasamahan ko dahil namasukan nga siya bilang kargador, pero sa Jack and Jill lang, kaya ang binubuhat niya? Cheez Curls!

Pero `yung gusto kong ikuwento sa inyo ay ang tinatawag naming Hospital Trials. Dalawa kaming seminaristang nagtrabaho noon sa National Orthopedic Hospital diyan sa Banawe, Quezon City. Doon kami pinadala sa Spinal Ward, ang ward para sa mga paralisadong pasyente; `yung iba ni hindi makagalaw mula sa leeg pababa. Mahihirap lang sila kaya sila nasa Charity Ward. Kulang ang mga nurse kaya ang trabaho namin noon sa loob ng isang buwan, hospital attendant : Tulungan ang mga nars, at gawin ang mga bagay na hindi nila magawa sa dami ng kanilang mga trabaho: Halimbawa, subuan ang mga pasyente. Magpainom ng tubig. Bilhan sila ng diyaryo o kaya sigarilyo. Paliguan sila. At `yung pinakamahirap para sa akin, linisin `yung kanilang dumi.

Tanda ko n’ung orientation namin, ang bulong ko sa kasamang seminarista: “Kaya ba natin ito?” Parang iniisip ko pa lang, bumabaligtad na `yung sikmura ko. Tapos hindi rin dapat sumimangot o magtakip ng ilong. Yung iba kasing pasyente matagal nang walang bisita, kaya medyo malungkutin at sensitive .

Akala ko noon, hindi ko kaya, pero sa kalaunan, napilit ko ring gawin. N`ung simula, ang hirap, pero nakatulong sa akin ang magdasal. Ang dasal ko noon: “Panginoon, sana habang ginagawa ko ito, maramdaman ko na ikaw ang aking pinaglilingkuran.”   Siguro sanayan lang talaga ang lahat. Di nagtagal, nasanay na rin ako sa mga gawain sa ospital, kasama na ang paglilinis ng dumi.

May isang pasyente doon sa pinakasulok ng Spinal Ward. Siya si Lolo Bert, isang matandang biyudo na walang anak. Tahimik lang siya, at laging nag-iisa. Gusgusin siya at may masamang amoy. Takot akong lumapit sa kanya dahil ang sabi ng nurse, mayroon siyang scabies , isang nakakahawang sakit sa balat. Pati mga nurses umiiwas din sa kanya, at napakarumi niya dahil napapabayaan siya. Wala kasing gustong magpaligo sa kanya.

Maraming trabaho sa ward dahil sa dami ng pasyente at ng mga pangangailangan nila, kaya madaling iwasan si Lolo Bert. Pero alam kong hindi ito tama dahil tuwing nagdarasal ako sa gabi, pakiramdam ko, may hinihingi ang Diyos sa akin. Pero talagang namamayani pa rin sa akin noon ang takot na mahawa sa sakit ni Lolo Bert.

Isang umaga, pinasya kong lunukin ang aking takot, at agad kong pinuntahan si Lolo Bert. Parang nagulat siya sa aking pagbati. Nasanay na yatang hindi pinapansin. Dama ko na takot pa rin ako, kaya para tuluyang mawala ang takot, pinilit kong inilagay ang aking kamay sa balikat niya habang nakikipagkuwentuhan sa kanya.

Halos hindi makapaniwala si Lolo Bert nang tanungin ko siya kung gusto niyang maligo. Abut-abot ang kanyang pasasalamat. Sa loob ng banyo, habang pinaliliguan ko siya, bigla akong kinabahan dahil parang sinisipon siya. “Nanlalamig ba kayo, lolo?” ang tanong ko.  Hindi, sabi niya, naluluha lang daw siya dahil ngayon lang siya napaliguan uli pagkatapos ng napakahabang panahon.

Alam ninyo, namangha ako’t hindi makapaniwala sa pangyayari. Kung iisipin mo, napakaliit na bagay lamang `yung ginawa ko, pero ang laki at ang lalim ng epekto sa taong nangangailangan! “It took so little, but it meant so much.”

Doon sa banyo, sa bawat buhos ko ng tubig kay Lolo Bert, walang-tigil din ang pasasalamat ko sa Diyos—na tinulungan Niya akong gawin ang isang bagay na inakala kong hindi ko kayang gawin. Di ko rin maiwasang maramdaman na si Lolo Bert ay anak din ng Diyos, na siya ay kapatid ko rin.

Naikuwento ko ito sa inyo dahil sa ating ebanghelyo, ang sabi ni Hesus sa atin: “ Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ay aking ina at mga kapatid.” Ngunit sa sarili kong karanasan, higit pa rito ang ating matatanggap kung sisikapin nating sumunod sa kalooban ng Diyos: Hindi lamang Niya tayong ituturing na kapatid, makatatagpo rin tayo ng kapatid sa ating mga kapwa, gaya ng nangyari sa akin doon sa National Orthopedic Hospital.

Ganyan talaga ang Diyos: Laging higit ang Kanyang ipinagkakaloob sa taong naglilingkod sa Kanya.

Sa ating maagang pagdiriwang ng aking kaarawan, ibig ko lamang ibahagi sa inyo ang isang lihim na natuklasan ko sa aking buhay: Noong mag-aaral pa ako rito sa Xavier School, gaya ninyo, may sarili akong mga pangarap para sa sarili—malalaki’t magagandang pangarap. Ngunit natuklasan kong may mga pangarap din ang Panginoon para sa akin, at hamak na mas malaki at mas maganda ang Kanyang mga pangarap para sa akin. Kaya sana sa inyong paglaki, naisin din ninyong tuklasin ang mga pangarap ng Diyos para sa inyo dahil higit na dakila at higit na maganda ang Kanyang mga pangarap para sa atin sa sarili nating mga pangarap.

 

Go back to the top ^

   






Men fully alive, endowed with a passion for justice, and the skills for development.
 

XAVIER SCHOOL / 64 XAVIER STREET, GREENHILLS, SAN JUAN,, MM, PHILIPPINES 1502 / +63.2.723.0481 / Contact / About This Site


© 2004 Xavier School, Inc. All Rights Reserved.
Terms under which this service is provided to you.
Read our disclaimer. Contact us.
  All external sites will open in a new browser.
Xavier School does not endorse external sites.
    Site Archive